Isa ako sa mga staff na piniling manatili sa opisina kaysa pumunta sa Club Filipino sa masalimuot na araw na iyon, unang araw ng Setyembre, nang i-anunsyo ni Mar na susuportahan niya ang kandidatura ni Noynoy sa pagka-pangulo. “Magmo-monitor ako ng balita,” kako. Nag-monitor naman talaga ako.Pero sa totoo lang, inaasahan ko na ang mangyayari, at ayokong malunod sa pagbaha ng luha.
Hanggang ngayon, patuloy ang pagtitimpi. Patuloy ang pagtitimpi. Patuloy ang pagpipigil ng samu’t saring emosyon na hindi ko pa rin maintindihan hanggang sa ngayon. Martes ngayon, parang noong nakaraang linggo: katatapos lang ng holiday.Ngayon ko papatunayang may kontroladong pagdadalamhati.
* * *
“Nagiging sentimental ba ako?
Pasensiya, ginoo, ganito siguro ang minumulto.
Ganito ang nangyayari kapag
bumabagyo sa labas at walang magawa sa loob ng bahay,
at sa kalooban ay dalawang bato ang nag-uumpugan:
tungkulin at hangarin,
hangarin at tungkulin.”
– In Memoriam, Jose Lacaba
* * *
Ayokong umiyak (o, pinipigilan ko ang pag-iyak) dahil alam kong walang dahilan para magluksa.
Marami nang nagsabi–at oo, naniniwala ako–na talagang dakila ang ginawa ni Mar noong Martes. Sinakripisyo niya ang kanyang “ambisyon” para sa pagka-Pangulo–sampu ng lahat ng naipundar na niya sa kampanya–para lang pagkaisahin ang Partido Liberal at ang mga puwersa ng reporma. Kahit na, sa totoo lang, hindi naman sila nag-away ng “pakner” niyang si Noynoy. Kahit na, sa totoo lang, pinagsasabong sila ng mga tarantado lang talaga na gustong magulo ang LP dahil sa kanilang mga sariling interes.
Bago ako madala ng emosyon (dahil gusto ko talagang pagbubuhulin ang mga ahas na iyan), uulitin ko: nagsakripisyo si Mar. Hindi siya natalo. Kaya walang dahilan para magluksa.
Walang dahilan para magluksa dahil naipakita ng aking lider–sa kabila ng mga paratang at mga paghuhusga sa kanya–ang kanyang tunay na pagkatao.
* * *
Tatlong taon na akong nakay Mar pero hindi na ako doon sa orihinal kong designasyon bilang “kulit guy” ng aming legislative team. May isa’t kalahating taon na akong nasa Communications team. oo, gagana dapat ang pagiging “makulit” ko sa departamentong ito. Ang propaganda, dapat makulit, hindi ba?Pero oo, pareho kami ng sentimyento ni Kael, kahit hindi ako ang speechwriter.
Ang titulo ko, “deputy communications head,” pero hindi ko talaga ito maipagyabang o maipagmalaki. Lalo na sa harap ng kantiyawan: “Tangina Kapi! Ramdam kita! Hindi kita pababayaan!” Dahil dito, alam kong di ko nagawa ang trabaho ko nang mahusay.
Two weeks ago, sa isang operations meeting, pinag-usapan ang ads vis-a-vis the latest survey results. Siyempre, di ko maibo-broadcast dito ang buong pag-uusap dahil malamang sa hindi ay gamitin ng kalaban. Pero ito ang masasabi ko: malaki ang gastos namin sa ads, pero 1/3 lang ng ginastos ng pangunahing kumpetisyon. Pero malaki pa rin iyon, at malaki sa kabila ng statistical status quo.
Kaya ang sabi ko: “pinag-uusapan na ba ang susunod na ad? Dahil kung oo, magbibigay kami ng mga konsepto.” Huli na pala ang lahat sa puntong iyon.
* * *
Hindi naman ads ang lahat. Pero sa opinyon ko, masasabi kong kung higit lang sanang epektibo ang mga ads namin sa pagpapakilala kay Mar sa mga tao, hindi na sana niya ginawa ang sarili niyang “pagpapakilala” noong unang araw ng Setyembre.
Dahil hindi siya ang pinakilala sa mga ads. Ha? Hindi tayo ramdam ni Mar? Pababayaan tayo ni Mar? Hindi lalaban si Mar? Hindi yun ang sinasabi ko, gago.
Ang sinasabi ko, hindi minamaliit ni Mar ang kakayahan ng tao. Sa kanya, tao ang pinakamahalagang yaman ng bansa. Kaya hindi niya minamaliit ang husay, talino at kakayahan ng tao na umunawa at magpasya para sa kanilang kapakanan. Sa tao nakasalalay ang kinabukasan ng bansa, hindi sa mga bituing tumataginting at kumakalansing.
Ang sinasabi ko, hindi mababaw si Mar. Hindi siya plastik o mapagpanggap. Hindi siya panay gimik at showbiz at arte lang. Hindi siya si Pichay na “pangarap kong tuparin ang pangarap ninyo” ang bukambibig, dahil hindi naman dapat bukambibig lang iyon.
Which brings me to the quandary: bakit ngayon lang ako nagsasalita tungkol kay Mar? Bakit ngayon ko lang sinasabi kung sino siya, kung kailan naipakita na niya kung sino talaga siya? Higit sa lahat, bakit parang ngayon lang ako humahanga sa kanya?
Alam kong hindi ko nagawa ang trabaho ko nang mahusay. Oo, nagsisisi ako. Walang dahilan para magluksa, pero may karapatan akong magsisi.
* * *
Kung tutuusin, alam ko kung ano ang inaasahan ninyong isusulat ko ngayon. Sabi nga ni Paul, yung “part 2″ e buhay legtech ko. At “part 3″ ay buhay Comm ko. Sinimulan ko kasi sa kuwento kung bakit ako napasok, lohikal lang na ikwento ko kung bakit patuloy akong nagtrabaho para kay Mar.
Yun na nga ang problema: hindi ko alam kung bakit hindi ko maikuwento.
Dahil walang maniniwala?
To Be Continued