Naaalala ko yung isang “inspirational talk” na ibinigay ko sa Matanglawin* mga ilang buwan na ang nakakaraan.
Sabi ko sa kanila, “maling tao yata ang kinuha ninyong magbigay ng ‘inspirational talk’ sa inyo. Pero hindi ko alam kung paano ako magiging “inspiring” sa inyong mga batang lawin. Dating matalim ang panulat laban sa kabulukan sa gobyerno at lipunan, ngayon’y taga-loob sa mismong sistemang iyon. Dating punong patnugot ng Matanglawin, ngayon nagtatrabaho para sa isang pulitiko.”
Dagdag ko, “kaya hindi ko talaga alam kung bakit ako ang kinuha ninyo. Para magsabing huwag ninyo akong tularan?
“Tototohanin ko kayo. Wala talaga sa orihinal kong plano ang magtrabaho para kay Mar Roxas. Pero nang ibinigay sa akin ang pagkakataon–at pagkatapos kumbinsihin din ng mga dating Matanglawin na ’subukan mo ang gobyerno, para alam natin kung papaano ito aayusin mula sa loob’–e di sinubukan ko.
“At narito pa rin ako ngayon, tatlong taon na. Masasabi ko na hindi ako mananatili kay Mar kung tinunggali niya ang mga prinsipyo’t paniniwala ko. Hindi ako mananatili kung may nakita akong mali–kung kurakot siya, o tamad siya, o bara-bara ang kanyang kilos, o kung wala siya mismong prinsipyo. At natulkasan ko: hindi yata pulitiko ang pinagtatrabahuhan ko.
“Hindi ko sinasabing iboto ninyo si Mar; hindi ako nandito para mangampanya. Ang masasabi ko lang sa inyo, saan man kayo pupunta pagkatapos ninyong grumadweyt–mapa-NGO man o full-time aktibista o mag-corporate world o kaya’y sumabak din sa mainstream politics–iisa lang ang habilin ko:
“Matanglawin kayo. Mata-Tanglaw-Lawin. Una sa lahat, huwag kayong pipikit.”
*Matanglawin — opisyal na pahayagan sa Filipino ng Ateneo. Itinuturing ng marami bilang aktibistang organisasyon. Itinuturing mga dumaan dito bilang isang kapatirang humubog sa kanila bilang tao.
* * *
Maling habilin yata ang binigay ko. Dahil kung napapaluha ka, napapapikit ka talaga.
* * *
Flashback mahigit tatlong taon na ang nakalilipas: reporter pa ako noon ng BusinessWorld. Reliever ako sa MalacaƱang reporter namin. Hate na hate kong pumunta sa MalacaƱang: ang layo-layo ng kailangang lakarin. Tapos libre pa ang lunch sa Senate, dun sa beat ko talaga.
Hingal na hingal ako noong pumapasok sa security ng palasyo nang biglang kumiriring ang telepono. Si Mar yung tumatawag.
Kakaiba ito a, sabi ko sa sarili ko. Kasi, sa lahat ng senador, si Mar lang ‘yung hindi sumasagot sa mga tawag ko para sa interbyu, o kahit sa text man lang. Buti pa si K, si J, si R, si N, madaling kausap, suki ko pa sa mga economic issues. Si D o P, ang dami pang masasabi, aabot kayo sa buhay nila noon sa Subic o noong Corporal pa siya sa AFP.
Pag si Mar tinanong ko, tawag man o text, walang sagot. Minsan lang nag-text yun: sabi niya, Merry Christmas. Siguro Pasko noong dinistorbo ko siya, o talagang nakulitan lang sa akin.
“O, how are you?” bati niya. “How are things going? What are your plans? How’s your job? Do you plan to stay? How’s your pay?” O, bakit bigla na lang naging concerned ito? Kaya sagot ko: “well, I’m getting relatively better pay than my friends working agonizing night shifts in the call centers.” Di ko maalala kung nanadya ako noon.
Habang iniinspeksyon ng PSG ‘yung laptop bag ko, tinanong ako ni Mar: “I’m currently looking for a good researcher for my staff. Do you want to work for me?” or something like that. “Like I said, I want to pursue my journalism career, but I’ll think about it,” sagot ko. “Great! I’ll have my chief-of-staff meet you up.” Natapos ang kakaibang usapang iyon.
Two days later, nakilala ko yung COS niya. “Bago lang din ako,” sabi niya. “We’re trying to beef up his staff. And I advised him, you need to have a strong research team. Have a lawyer head it, then may economist ka to crunch the numbers. And you must have a reporter in the team, kasi they know how to ask the right questions, and talagang persistent–talagang makulit. Right there and then, he called you.”
* * *
Hanggang ngayon, malaking misteryo sa akin kung bakit ako ang tinawagan ni Mar sa lahat ng reporter na kilala niya. Siguro nga, ganoon ako ka-kulit. Nakulitan na nang husto sa akin, kaya mas mabuting pakinabangan na lang ang kakulitan ko? O baka naman ganoon din siya ka-kulit, at kailangan niya ng kasalo?
Sa totoo lang, tinanggihan ko yung alok niya. Pupursigihin ko ang “journalism career” ko, ‘kako. Nadaan niya rin yata ako sa kulit, kaya bumigay na rin ako. At heto, tatlong taon nang nagtatrabaho sa kanya.
Tatlong taon na rin ang nakakalipas. Marami nang nangyari.
To be continued.