(Isang Rejoinder pagkatapos ng 'Milenyo')
Mukhang kailangang magpakumbaba at magbaba muli ng GDP target ang pamahalaan
At mukhang kailangan na ring magbaba ang mga advertiser ng kanilang mga naglalakihang billboard sa kahabaan ng EDSA at sa iba pang lugar sa metropolis.
Humambalos ngayong araw ang bagyong si Milenyo, na rumaragasang dumaan sa Pilipinas bandang tanghali sa bilis na mahigit 100 kilometro kada oras. Namatay ang kuryente, at hindi ako makagawa ng iba pang bagay na siyempre, kinakailangan ang kompyuter na ito.
Malamig at mahangin. Anong higit na mainam gawin kundi magpaka-baboy at kumain?
Pihado, huli na naman kami sa iskedyul: nitong susunod na Linggo dapat ang huling recording session, ngunit marami pang mga kanta na hindi naire-record o kulang pa ng instrumento't bokalista, at marami pa sa mga tula ang hindi nalalapatan ng kanta.
Pero masaya ako, tulad ni Oshti, sa mga little victories ng Tribeless Records sa halos tatlong buwan ng inisyal na operasyon bilang undie indie label (sa ngayon). Ngunit sabi nga ng Da King, marami pa kaming kakaining bigas, at marami pa kaming dadaanang makikipot na daan.
Ang kapitalismo at ang sosyalismo, alam na natin, ay magkatunggali. Ang nauna ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon ng mga produkto at serbisyo, at ang pag-kalakal sa mga ito sa merkado, na ang layunin ay kita. Samantala, naghahangad naman ang nahuli na iwaksi ang pribadong pag-aari at palitan ito ng kolektibong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, at buwagin ang sistemang tumuturing sa manggagawa bilang commodity.
Magkatunggali man ang dalawa, ngunit hindi ba maaaring magkaroon ng sosyalismo sa konteksto ng isang maka-merkadong ekonomiya, imbes na sa isang kontroladong ekonomiya?